20 Tips para Maging Expert sa Pag-A.I. ng Baboy

Ang binibili po ninyong semilya sa Davsaic ay ang mabilis at epektibong paraan upang makakuha kayo ng magandang lahi at ma-upgrade ang lahi ng inyong mga baboy. Upang mas higit po ninyong mapakinabangan ang aming semilya, narito po ang ilang tips sa Artipisyal na Inseminasyon (A.I.) sa baboy  bago kayo bumili ng semilya hanggang maipasok nyo ito sa inahin.

1) Maaring isagawa ang heat detection sa inahin o dumalaga sa umaga (4-6 am) bago sila kumain o kaya sa hapon (4-6 pm) pagkatapos nilang kumain. Maaring gumamit ng teaser boar habang ito ay ginagawa.

2) Panatilihing nasa 16-18 degrees centigrade ang temperatura ng semilya habang ito ay hindi pa ginagamit. Ang semilya ay pwedeng ilagay sa loob ng semen ref o kaya sa  styrobox at lagyan ng dalawang naka plastic na yelo or ice gel.

3) Iwasang direktang nakadikit o nakababad sa yelo ang semilya para hindi ito mamatay. Maaring palitan ang nalusaw na yelo sa styrobox kada 12 oras habang hindi pa ginagamit ang semilya. HUWAG PONG ILALAGAY SA REFRIGERATOR ANG SEMILYA DAHIL ITO PO AY MAMAMATAY.

4) Marahang alugin ang semilya tuwing ika 8-12 oras habang ito ay hindi pa ginagamit. Ilagay ito sa loob ng styrobox na nakapahiga (hindi nakatayo) upang mas makalangoy ang mga semilyang nasa pinaka-ibaba.

5) Ilabas ang semilya mula sa styrobox mga 5-10 minuto bago ito gamitin sa inahin at huwag hayaang mainitan o maarawan. Ito ay para mabawasan ang lamig nito na nagdudulot ng backflow kapag ipinasok kaagad sa ari ng inahin. Huwag na ring ibabad sa maligamgam na tubig o sa waterbath ang semilya para maiwasang mamatay o ma shock pa ang ibang semilya.

6) Mas magandang magamit kaagad ang semilya sa loob ng 24-48 oras mula nang ito ay matanggap mula sa Davsaic. Maaring tumagal ng 5 araw ang buhay ng semilya mula nang makolekta sa barako kung long-term extender ang gamit. 

7) Tiyaking nasa “standing heat” ang inahin bago ipasok ang unang bote ng semilya. Isunod ang pangalawang bote ng semilya 12-18 oras mula nang maipasok ang unang bote.

8) Magandang isagawa ang A.I. kapag di pa mainit ang araw. Kung kelangang mag A.I. na mainit ang panahon, paliguan muna ng limang minuto ang inahin para lumamig ang katawan nito.

9) Tiyaking tuyo at malinis ang labas at loob ng ari ng inahin bago ipasok ang A.I. catheter. Maaring magdulot ng impeksyon kapag marumi ang ari ng inahin. Maaring gumamit ng tissue o malinis na basahan upang punasin ang labas at bungad ng ari ng inahing baboy.

10) Kung gagamit ng spiral catheter, lagyan muna ito ng lubricant bago ipasok sa ari ng inahin o dumalaga. Ipihit ito pakaliwa (counter-clockwise) habang pinapasok hanggang mag-lock sa cervix. Ipihit naman pakanan (clockwise) kapag ito ay tatanggalin na.

11) Kung foam-tip catheter ang gagamitin, lagyan din ng lubricant ang ulo pero hindi na kailangang ipihit habang pinapasok. Ang foam-tip catheter ay karaniwang ginagamit namin dahil hindi nakakasugat sa loob ng ari ng inahin o dumalaga lalo  na kung baguhan ang gumagamit.

12) Maari ding gumamit ng Post-cervical A.I. catheter kung gustong mapataas ang chance na mabuntis at mas marami ang biik. Kailangan lang ng sapat na training sa paggamit nito.

13) Huwag madaliin ang pagpasok ng semilya sa ari ng inahin. Gawin ito dahan-dahan sa loob ng lima hanggang 15 minuto. Diinan sa likod ang inahin o i-massage ang tagiliran ng inahin habang ito ay isinasagawa upang mas higupin paloob ng matris ang semilya..

14) Iwasang magkaroon ng backflow ang semilya mula sa ari habang ito ay ipinapasok sa catheter. Huwag pisilin ang semilya kung semen tube ang gamit. Ihinto muna ang pag-A.I. pag may backflow ng semilya at i-massage muli ang inahin para mag standing heat. Ayusin ang posisyon ng catheter bago ipasok ulit ang semilya.

15) Pag natapos nang maipasok lahat ng semilya, hayaan muna ang catheter na nakapasok sa ari ng inahin sa loob ng sampung minuto hanggang isang oras upang maiwasang mag backflow ang naipasok nang semilya. Maaring hilain ang catheter makalipas ng isang oras o hayaan itong matanggal ng kusa.

16) Huwag munang ililipat ng kulungan o ihalo sa ibang inahin ang na-A.I. na inahin sa loob ng 8 oras pagkatapos ma A.I. Huwag din munang ililipat ng kulungan ang na-A.I. na inahin mula 3-28 araw mula nang ito ay ma-A.I. para hindi mabawasan ang mga nabuong biik sa loob.

17) Iwasang mainitan o maarawan ang inahin 30 araw mula nang ito ay ma-A.I. para hindi malusaw ang mga nabuong biik sa loob. 

18) Pakainin lang ng 1.5 – 2.0 kg na brood sow o breeder ration ang inahin hanggang 30 araw mula nang ma-A.I. para hindi masyadong uminit ang katawan nito at maiwasang malusaw ang mga nabuong biik sa loob.

19) Obserbahan ang ika-21 at 42 araw mula ng ma-A.I. ang inahin kung hindi na ito maglalandi ulit. Kapag hindi na naglandi sa panahong ito, maaring buntis na ang inahin.

20) Maaring ding i-check kung nabuntis ang inahin gamit ang ultrasound mula 25-30 days pagkatapos nitong ma-A.I.

About the Author

Si Doc Teng David po ay 20 taon nang Swine Veterinary Practitioner na nagtapos sa UP at Los Banos. Siya rin ay 2nd placer sa 1999 National Veterinary Board Exam at kasalukuyang Technical Manager ng David Swine A.I. Center

2 thoughts on “20 Tips para Maging Expert sa Pag-A.I. ng Baboy

    • Oreste David says:

      Hello po, right now we do not have actual training for A.I. You can inquire at ITCPH in Lipa city, Batangas, meron po silang 1-week A.I. training course. Boar semen po namin is 800 ang 2 doses ng terminal boar semen, 1400 naman po ang 2 doses ng gp semen. Add shipping cost po. Saan po ang province nyo?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *