Mahalagang matutunan natin ang pag check kung kailan ang “standing heat” o pagpayag ng inahin para ma ai dahil dito nakasalalay ang dami ng iaanak ng inahin. Pag tama rin ang heat detection, maiiwasan din ang pag uulit ng landi ng inahin at ang pagkakaroon ng impeksyon sa matris.

Narito ang mga dapat tandaan sa paglalandi at pag “standing heat” ng inahin:

1) Ang paglalandi ng inahin o dumalaga ay tumatagal ng limang araw mula nang mamula at mamaga ang ari nito. Kapag hindi ito na ai o hindi nabuntis, maglalandi ulit ito sa loob ng 21 araw

2) Narito ang mga sintomas ng paglalandi sa loob ng limang araw

a) Namumula at namamaga ang ari

b) Madalas na pag-ihi

c) Matamlay o ayaw kumain

d) May lumalabas na likido sa ari

e) Tumatayo ang tenga pag dinidiinan sa likod

f) Sinasampahan ang ibang inahin o dumalaga

3) “STANDING HEAT” AT PAG-AI NG DUMALAGA

Sa ika-apat na araw ng paglalandi ay kadalasang pumapayag na po ang dumalaga para ma A.I. Sa araw na ito, mapapansin na mas lumiit, medyo kulubot na at mas mapusyaw na ang ari ng naglalanding dumalaga. Ang likido sa loob ng ari ay mas malapot at madikit na, at hindi na po magalaw ang dumalaga pag diniinan o sinakyan sa likod (standing heat). Ipapasok po ang unang bote ng semilya 6-8 oras mula nang mag “standing heat” ang dumalaga. Ipapasok naman ang pangalawang bote ng semilya 8-12 oras mula nang maipasok ang unang bote ng semilya.

4) “STANDING HEAT” AT PAG-AI NG INAHIN
Kadalasan, ang inahin ay naglalandi ulit mula 3-10 days pagkawalay. Mapapansin na mamumula at lalaki ang ari pero hindi na gaanong mamamaga tulad ng sa dumalaga. Sa ikalawang araw ng paglalandi, mas malaki at mas mapula ang ari ng inahin. May makakapa na ring malabnaw na likido sa loob ng ari nito. Pero hindi pa rin pwedeng ma-A.I. ang inahin sa araw na ito. Magalaw din ang inahin pag diniinan o sinakyan ang likod nya sa araw na ito. Sa ikatlong araw ng paglalandi kadalasang pumapayag na ang inahin para ma A.I. Sa araw na ito, mas marami at mas malapot na ang likido na inilalabas sa ari nito. Mas mapusyaw at mas kulubot din ang ari nya kumpara sa ikalawang araw ng paglalandi (Figure 2). Di na rin gumagalaw ang inahin pag diniinan o sinakyan ang likod nito (standing heat). Ipapasok ang unang bote ng semilya 8-12 oras mula nang mag-standing heat ang inahin. Ipapasok naman ang pangalawang bote ng semilya 12-18 oras mula nang maipasok ang unang bote ng semilya. Bawat bote po ng semilya ng barako galing sa Davsaic ay may 4-5 bilyong semilya ang laman para mas mataas ang tyansa nating mabuntis ang standing heat na dumalaga o inahin ninyo.

About the Author

Si Doc Teng David po ay 20 taon nang Swine Veterinary Practitioner na nagtapos sa UP at Los Banos. Siya rin ay 2nd Placer sa 1999 National Veterinary Board Exam.