“Maiiwasan ang pagkalugi kung maganda ang lahi ng mga baboy natin”

     Lumiliit ang kita ng mga magbababoy ngayon dahil sa patuloy na pagbaba ng liveweight ng baboy habang tumataas naman ang gastos sa pakain. Sa isang ulo ng fattener na nasa 100kgs,  maari tayong mawalan ngP1,000-P2,000 sa ating kita kung magpapatuloy ang mababang presyo ng baboy.

    Kailangan tayong makaisip ng paraan  upang mabawasan ang pagkalugi na ito at nang maipagpatuloy natin ang pagbababoy. Narito ang ilang paraan na maaring isagawa habang hindi pa ganoon kaganda ang presyo ng baboy.

  1. Bawasan ang mga inahing hindi nanganganak, ayaw mabuntis o kaunti nang maglabas ng mga biik. Kailangan ng sow performance record para maitala ang mga inahing may ganitong mga problema.
  2. Bumili o pumili ng mga replacement gilts na pangpalit sa mga matatanda nang inahin. Ibenta na ang mga mahigit 8 anakan na inahin at palitan ng mga bagong dumalaga upang mapanatiling maganda ang produksyon ng biik. Ang Davsaic ay may mga Gp landrace at Gp largewhite na semilya upang magamit nyo sa mga inahing maganda pa ang produksyon. Makakapili kayo ng mga replacement gilts sa mga magiging biik nila.
  3. Bawasan ang mga namamatay sa mga palakihing baboy na malapit nang maibenta. Sa ganitong edad, marami na kayong nagastos tulad ng pakain, pera, gastos sa pag-aalaga at panahon.Kailangang  iwasan ang stress o overcrowding sa kulungan, nakabakuna ang mga baboy, at maghalo ng antibiotiko sa pakain pag kailangan bilang prevention sa sakit. Pumili din ng mga lahi ng baboy na matibay sa stress lalo na pag mainit ang panahon.
  4. Magbenta ng mga fattener o palakihing baboy na mas magaan ang timbang at pasa sa kailangan ng mamimili. Kung ang byahero ay gusto ang 80-100 kgs na timbang ng baboy, magbenta ng 80-85 kgs lang at wag nang palampasin pa. Habang tumatanda kasi ang baboy, mas marami na syang kinakaing feeds pero bumabagal na ang paglaki nya.
  5. Iwasan din ang  feed wastage o mga natatapon na feeds sa  ating mga kulungan. Minsan ay may mga napapanis din tayong feeds dahil sobra-sobra ang naibibigay ng ating mga tagapag-alaga.
  6. Maari ding maghalo ng sariling feeds kung may mga makukuhanan kayong raw materials o sangkap malapit sa inyo. Pwede kayong matulungan ng Davsaic sa pag formulate ng feeds para makatipid kayo ng 150-200 pesos kada sako.
  7. Iwasan ding magka-amag ang feeds na pinapakain sa mga alagang baboy. Ito ay nagdudulot ng abortion sa mga inahin at nagpapabagal ng laki sa mga palakihing baboy
  8. Tiyaking tama at sapat ang naiinom na tubig ng mga alagang baboy upang hindi mabansot ang mga palakihin.Ang mga palakihin ay nangangailangan ng 12-20 litro ng tubig araw-araw habang ang mga weaners o biik na naiwalay ay 2 litro ng tubig araw-araw.  Kailangang sapat ang tubig lalo na pag mainit ang panahon
  9. Kailangan ding suriin ang lahi ng inyong mga baboy. Magandang maitala at mapag-aralan ang bilis ng laki ng mga palakihin at dami ng kailangan nilang kainin bago sila maibenta. Ang mga F1 nadumalaga ay pwedeng maglabas ng mga biik na mabilis lumaki at mas kaunti ang pakain.
  10. Kung nagpapabulog kayo sa labas o gumawa ng sariling barako sa farm, maaring tumaas ang gastos sa pagkain kung hindi mabilis lumaki  ang magiging anak nila. Posible rin na mas mababa ang presyo ng mga palakihin ninyo kapag makapal ang taba nila sa araw ng bentahan. Maaring bumili na lamang ng semilyang pang fattener  mula sa mga Performance-tested na Barako tulad ng mga barako sa Davsaic. 

         Kayo po, ano ang mga ginagawa nyong paraan para maiwasan ang pagkalugi sa inyong pagbababuyan? Paki comment po sa ibaba.



About the Author.                                                                                   Si Dr. Oreste “Doc Teng” David po ay beterinaryo na nagtapos sa UP at Los Banos. Siya ay 18 taon nang swine veterinary practitioner at kasulukuyang Technical Manager ng David Swine A.I. Center, Inc.